Ang Buaya At Ang Tusong Matsing

BALISANG BALISA ang Matsing. Ubos at wala nang pagkain sa kanyang munting pulo ng Buyayaw, at gutom na gutom na siya. Maraming pagkain sa kabilang malaking pulo at tumpak! Dapat siyang lumipat duon! Ang hirap, kailangang tumawid sa makitid na dagat nang palangoy. Mas mahirap, isang katutak na mga buaya ang palangoy-langoy sa tubig, gutom din tulad niya. Paano siya makakarating sa kabilang pulo?

“Maigi pa, tanungin ko ang dagat,” sabi ni matsing, sa wakas. “Dagat, dagat, kung mapanganib talaga sa akin ang tumawid, dapat kang maging malamig!”

Lumapit sa dalampasigan si Matsing at isinawsaw ang kanyang kamay. Ang lamig! Natigilan si Matsing sa sagot ng dagat, na mapapatay siya kung lumangoy. Subalit mahirap din ang mamatay sa gutom, kaya ipinasiya ni Matsing na tumawid sa tubig, kahit ano ang mangyari! Nagsimula na siya nang nakita niya si Buaya, naghihintay sa gitna ng tubig.

“Ano ang gusto mo sa akin?” tanong ni Matsing.

“Ang atay mo,” ungol ni Buaya. “Iyon ang favorito ko.”

“Atay ko!” bulalas ni Matsing. “Sayang, iniwan ko duon sa kabilang pampang dahil mabigat at baka malunod ako kung dinala ko. Subalit matalik kitang kaibigan, kaya kukunin ko para sa iyo. Maaari bang isakay mo ako sa likod mo at itawid sa kabila?”
Pumayag si Buaya at itinawid si Matsing sa kabilang pulo. Mabilis na bumaba ito at tumakbo sa gubat. Nang ligtas na saka lamang siya lumingon.

“Wala kang kaalam-alam, Buaya!” sigaw ni Matsing. “Mayruon ba namang nag-iiwan ng atay niya!”

Tuluy-tuloy na siya sa gubat at nagtago. Naiwan si Buaya sa pampang, galit na galit, at ipinasiya niyang maghiganti. Isang araw, pinasok niya ang bahay ni Matsing. Walang laman ang bahay, nasa labas si Matsing at naghahanap ng pagkain. Nagtago sa luob ng bahay si Buaya at nag-abang.

Pagbalik ni Matsing, nakita niya ang mga bakas sa lupa at naghinalang tatambangan siya ni Buaya. Upang makatiyak, sumigaw siya, “Kung mayruong nasa luob ng bahay, tumahimik siya, subalit kung walang naghihintay sa luob, dapat siyang humiyaw!”

Pagkarinig ni Buaya, humiyaw nga siya upang ipahiwatig na walang naghihintay sa luob ng bahay.

“Tanga ka, Buaya!” sigaw ni Matsing bago tumakas. “May hihiyaw ba kung
walang nasa luob ng bahay!?”

Nabigo uli, hindi sumuko si Buaya. Kinabukasan, naglublob siya sa putik hanggang bumantot ang amoy niya. Tapos, dumapa siya sa lupa nang walang kilos, nagkunwaring patay na siya. Hindi siya gumagalaw, kaya dinapuan siya ng maraming langaw tulad ng gawa nila sa bangkay. Hindi nagtagal, dumating si Matsing at lumapit sa “patay” na Buaya.

“Ikaw, Buaya, kung buhay ka pa, huwag kang umimik,” sabi ni Matsing, “subalit kung talagang patay ka na, umongol ka!”

At umngol nga si Buaya upang patunayan na hindi siya nagpapatay-patayan!

Kumaripas patakas si Matsing.

“Talagang gunggong ka, Buaya!” sigaw ni Matsing mula sa malayo. “Sino ba namang patay na buaya ang umuungol?!”

Marami pa silang naging paghahamok, subalit dahil tuso, laging nakaiwas si Matsing sa mga pakana ni Buaya.

0 comments:

Post a Comment

 
All content on this site is Copyright © 2009 - PINOY BLOG EXPRESS 3.0 All Rights Reserved. | Free Blogger Template designed by Choen

Home | Top